| Kay Alexis. |
[Sep. 7th, 2009|04:12 pm] |
Habang lulan ng taxi, iniisip ko kung nakabarong ba si Alexis o naka-amerikana. Pagdating ko sa do'n, tumama naman ako, naka-amerikana siya. 'Di nga naman babagay ang barong sa kanya, palibhasa'y mukhang foringer o baka talagang -malay natin, inihabilin niya pala 'yon. Sa pananginip o sa isang lumang kwentuhan nilang magkakaibigan nung nabubuhay pa siya.
Pagdating sa lamay mas una kong dinungaw ang kabaong ni Nika. Unang beses ko siyang makikita, tapos sa lamay pa niya. Suot ang isang puting bistidang may palamunting maliliit na puting rosas. Gusto ko sanang magpakilala, pero, pa'no? Pumikit nalang ako. Sa gano'ng malulungkot na pagkakataon, pilit kung iniisip kung anong pwedeng maging kagandahan do'n. Napatingin ako bigla sa litratong nasa gitna ng kabaong niya't ni Alexis. Ang cute nila do'n, halos may parehas na ngiti, si Alexis bahagyang nakaakbay kay Nika tapos masyadong mataas 'yung headroom ng picture. Hahaha! Pero, masaya, mukha silang masaya, magkasama sila. At ayon, hanggang dulo nga magkasama pa din sila. Siguro 'yon, yun 'yong pwedeng makitang saya sa lahat ng lungkot na halos umapaw na sa loob ng isang maliit na kwarto.
Huminga muna ako ng malalim bago, humarap kay Alexis; nung dungawin ko siya, napansin kong bahagya siyang nakangiti. Gano'n pa din, gwapo, mukhang konyo. Sabi ko "Hi, sana okey na kayo diyan" tapos napaiyak ako. Ayaw kong pa ngang masyadong ipahalata kasi baka may manita. Sabihin naman, masyado akong feeling! Iiyak-iyak pa ko e 'di naman kami close. Parang tanong sakin ng isang kaibigan:
Pupunta ka ba sa lamay? Oo, bukas. Bakit, close kayo?
Sa tatlong lamay na binisita ko para sa taong 2009. Kay Alexis lang ako umiyak. Namatayan na din ako ng dalawang lolo at dalawang tiyuhin, mga mismong kamag-anakan ko, pero kay Alexis lang ako umiyak.
Kung gusto mo ng detalye kung gaano ko siya kakilala, maikling listahan lang ang maibibigay ko. Nagkakilala kami dito, sa livejournal, nag-iwan siya ng comment tinatanong kung kamag-anak ko daw ba si Conrado Baltazar. Tapos bigla nalang siyang nag-buzz sa YM at pareho naming hindi matandaan kung sino ang nag-add kanino. Ilang festivals at screenings ang dumaan, lagi niya kong binabati, lumalapit at nangangamusta ng kaunti. Minsan siyang nag-email sakin ng mga articles, minsang nagkaro'n ng mahabang chat tungkol sa kanyang website, minsang niyang napanuod ang thesis film namin, minsang nagsabing babaguhin daw ako ng pelikulang Let the right one in. Gano'n lang, gano'n kadalang at kalimitado. Pero magkagano'n man pakiramdam ko, para siyang kuyang laging may gustong ibahagi saking kung ano, na lagi ko namang inaabangan.
Sa T.V ko na nabalitaan, bago magcommercial ang Umagang Kay Ganda binangit ni Alex Santos kung ano ang mga susunod niyang ibabalita. Kasama do'n ang mag-live in partners na Fil-Canadian daw at Slovenian na ninakawan at pinatay. Napalingon kaagad ako sa T.V at naaninagan ang litrato ni Alexis. Gusto kung bulyawan no'n si Alex Santos ng Tangina mo umayos ka! Pero, 'yon nga bigla kong narinig ang buong balita. May ilang minuto din akong hindi makapaniwala, basta humahagulhol lang ako. Hagulhol na hindi ko nagawa sa dalawa kong lolo o sa mga tiyuhin ko.
Ngayong 2009 dumalaw ako sa libing ng isang h.s batchmate na namatay sa car accident, pagkatapos no'n isang kaibigan naman na namatay dahil sa sakit at nung nakaraang Biyernes, lamay sa isang kaibigang walang kwentang pinaslang! Sasabihin kong "kaibigan" gaano man ka-ikli't kababaw ang napagdaanan namin. Ni hindi ko nga alam na Eggy pala ang nickname niya't lima silang magkakapatid. Pero, pipiliin kong tawagin siyang kaibigan kasi ramdam kong kahit papaano magkarugtong ang mga pusod namin. Pusod na mahigpit ang pagkakabuhol sa pelikula.
Siguro gano'n 'yon, gaano man kababaw ang pagkakakilanlan ko kay Alexis, gaano man kabilis o kaikli. Dahil sa isang bagay, pagmamahal sa pelikula, nagawa niyang maging hindi iba sakin. Kaya nung nawala siya gano'n nalang din ang lungkot ko, ang hiniyang at katulad ng mga kaibigan niyang natatawag siyang Eggy o nakakasama siyang manuod ng sine, gano'n nalang din ang sangkaterbang "sana".
Sana hindi nalang sila umuwi ng mas maaga. Sana naging mas naging maingat nalang sila sa pagpili ng kasambay. Sana iba nalang. Sana magkaro'n ng hustisya.

Tangina, sana talaga! |
|
|